About

Proud isko o iska ka ba? Dito tayo makisama.

Kung nais ninyo maglagay ng mga larawan, kwento, pangyayari o kahit anong kabulastugan ng buhay...

Maari ninyong ipadala ang mga ito sa:

peyups submissions


Kung mayroon kayong mga opinyon o nais sabihin

Ipadala dito.

Formerly known as YOOPEE Tumblr.


Note: No copyright infringement intended. All photos, videos and text are owned by their respective owners.









Custom Search

Submit a post

Cheshire - Created by Alter Imaging
11 months ago | 65 notes

FRESHIE SPECIAL: Are you UP for it?

(Unang nalimbag ang akdang ito sa isyu 1 ng Philippine Collegian noong 14 Hunyo 2011.)

nina Mary Joy Capistrano and Kevin Mark Gomez

Pinaprint mo ang resulta ng UPCAT at idinikit sa pader ng iyong kwarto. Bumili ka na rin ng UP jacket, shirt at ID lace. Walang duda, tuwang-tuwa ka na tawaging iskolar ng bayan ng University of the Philippines. Pero unang hakbang pa lang ang UPCAT. Marami ka pang bigas (o isaw) na kakainin, kaya kung tunay kang magaling, tanggapin mo ang hamong ito.

Narito ang listahan ng mga bagay na kailangan mong gawin upang maging ganap na iskolar ng bayan. Maraming mawawala sa iyo kapag tinanggap mo ang hamon: dangal, tulog, pera at dugo; subalit mawawala sa iyo ang lahat kung aatras ka. Ang tunay na iskolar ng bayan, walang inuurungang laban —saan man siya dalhin ng kanyang paninindigan.

1. Color Wheel

Kabisaduhin ang mga kulay ng mga bubong ng mga jeep na pumapasada sa UP at imapa ang ruta ng bawat jeep ayon sa kulay. Iba-iba man ang ruta sa umaga, iisa lang ang exit ng mga sasakyan sa UP kung lampas na sa curfew hours. Maliban sa University Avenue, sarado na ang lahat ng entry/exit points sa UP pagsapit ng alas-10 ng gabi.

2. Soul Searching

Ayon sa Revitalized General Education Program (RGEP), student knows best. Malaya kang makapipili ng 15 units o 5 kurso sa bawat larangan ng Arts and Humanities, Social Sciences and Philosophy (SSP) at Math, Science and Technology na kukumpleto sa iyong GE.  Nauso ang terminong “uno-able” para sa mga GE subjects at guro, at tila batayan na ng mga estudyante sa pagkuha ng GE ang pagiging madali ng subject kaysa sa kahalagahan nito sa kanyang holistic development. Kadalasang nasa AS ang silid ng GE subjects, kaya alamin mo ang iskema ng pagkakaayos ng mga kwarto sa Palma Hall. Kung hindi mo naman mahanap ang TBA, maghintay at matatagpuan mo rin iyon.

3. Let’s get physical

Kung hindi ka pinalad sa CRS, magpa-add mat ka ng super sikat na PE. Subukang matanggap sa klase ng mga pinaka-in-demand na PE katulad ng archery, swimming, basketball at tennis. Apat na PE lang ang kailangan mo sa UP, kaya gawin mo na ang lahat para makuha ang klaseng gusto mo.

4. Bottoms Up

Matapos ang exams, yayain ang mga kaibigan at umubos ng isang bucket ng beer sa Sarah’s, isang sikat na tambayan sa Krus na Ligas. Para lamang sa edad 18 pataas ang hamon na ito. Para sa mga batang gusto ng serbesa, hindi kami ang nagturo sa inyong uminom.

5. TL ako kay Oble

Akala mo ba ikaw lang ang may lovelife? Hanapin si Magdangal, na iniirog ni Oble. Kung type mo si Oble, may pag-asa ka pa dahil dalawa ang Oble sa Diliman. Hanapin kung nasaan ang isa pang Oble, na siyang orihinal na eskulturang inukit ni Guillermo Tolentino batay sa hubog nina Anastacio Caedo at Virgilio Raymundo, hindi sa tatay ni FPJ.

6. Maximum chances

Bagaman karaniwan sa UP ang delayed na paggradweyt, may taning pa rin ang pananatili sa pamantasan. Tinatawag itong maximum residency rule (MRR), na katumbas ng  1 ½  X takdang taon para tapusin ang isang kurso. Halimbawa, may 6 na taon ka para tapusin ang isang 4-year course. Para makaiwas sa MRR, humingi ng payo mula sa estudyanteng on MRR.

7. Anong paki mo sa long hair ko?

Wala raw pakialamanan ang mga estudyante sa UP, kaya hindi isyu ang itsura, damit at amoy. Sa iyong unang taon, ipakita ang tunay mong kulay at huwag husgahan ang kapwa isko at iska—kanya-kanyang trip ‘yan, walang kokontra.

8. Tree of Life

Hanapin ang malaki at mahiwagang puno sa Faculty Center. Isang alamat na puno ang patuloy na nabubuhay sa gitna ng bulwagan ng mga guro ng ating pamantasan. Mula rin sa bulwagang ito ang halos lahat ng pambansang alagad ng sining tulad nina Vicente Manansala, Fernando Amorsolo, Jose Joya, Napoleon Abueva at Virgilio Almario.

9. My Humps

Maganda sa katawan ang ehersisyo, at dito sa UP, jogging ang pinakauso. Ikutin ang Acad Oval nang tatlong ulit at bilangin kung ilang humps mayroon ang oval na may circumference na 2.2 kilometro. Malay mo, makasabay mo pa si Papa Piolo na magpawis at magpamacho.

10. Sawsawero, sawsawera

Kumain ng fishballs ng mga manininda at  isaw mula sa sikat na isawan ni Mang Larry. Hindi lang mga taga-peyups ang kumakain ng fishballs at isaw sa UP. Marami ring taga-Ateneo, Miriam at pati mga artista na dinarayo ang sawsawan sa Diliman.

11. Copy Cat

Hanapin ang pinakamurang Xerox center sa sikat na pamilihan malapit sa Kalayaan. Sakto ang 35 sentimos bawat pahina na presyo para sa makakapal na readings mo.

12. Baul ng karunungan

Panahon na para dalawin ang mga library ng mahal nating pamantasan. Hiramin at tapusin ang librong may call number DS 668 S58 mula sa library. Regular circulation ang librong ito, kaya may dalawang linggo ka bago ito isauli sa library.

13. Add a friend

Bawal maging suplada sa bagong salta. I-add as friend ang mga taong araw-araw mo makasasalamuha sa UP, gaya ng mga guwardiya, janitor at mga manininda. Kahit minsan tinatarayan ka ng mga guwardiya, huwag magtanim ng galit. Sinusunod lang nila ang UP admin na may pakana ng No ID, No Entry sa mga gusali.

14. On the air

Hanapin sa frequency ng inyong radyo ang sariling radio station ng unibersidad, ang DZUP. Makilahok sa kanilang mga patimpalak at pumunta sa mismong istasyon at batiin ang mga bagong kaklase.

15. Spot the difference

Iguhit ang harapan ng mga sumusunod na gusali at hanapin ang pagkakaiba ng mga ito: Benitez Hall at Malcolm Hall, Palma Hall at Melchor Hall, Gonzales Hall at Quezon Hall. Ang mga nabanggit na gusali ang ilan sa mga pinakaunang bulwagan sa Diliman na naging main campus ng UP noong 1949.

16. Peyups idol

Alamin mo ang tunay na pangalan ng mga alamat ng UP – sina Zorro, Macario Sakay at Mang Romy. Binansagang Sakay ang manininda malapit sa Ilang-ilang dormitory dahil sa kanyang buhok. Samantala, ugali na ni Mang Romy ang magtanong sa mga tao sa Vinzons Hall kung “meron ba tayo diyan?” Si Zorro naman ang masked hero na bantay ng Acad Oval.

17. Lider-Estudyante

Kilalanin ang mga miyembro ng University Student Council at local council ng iyong kolehiyo. Huwag ring kalimutan na i-add sa facebook ang kasalukuyang Student Regent, ang nag-iisa nating tinig sa Board of Regents, ang pinakamataas na lupong tagapagpaganap sa UP.

18. Sumama na kayo, Join!

Ang tunay na isko at iska ng bayan, nakikialam sa mga isyung panlipunan. Sumama sa mga raling dinaraos sa loob at labas ng UP, tulad ng mga protesta laban sa budget cut, oil price hike, atbp. Makimartsa, makisigaw, at makilahok sa pagguhit ng kasaysayan sa mga lansangan.

19. Cover UP

Basahin ang unang isyu ng Philippine Collegian o Kulê from cover to cover. Pagkatapos mabasa ang unang isyu, hanapin ang opisina ng Kule at kumuha ng exam upang maging bahagi ng opisyal na lingguhang pahayagan ng mga mag-aaral ng UP Diliman. Matatagpuan ang opisina ng Kulê sa Vinzons Hall na ipinangalan kay Wenceslao Vinzons, punong patnugot ng Kulê noong 1931-32.

20. CineMalaya

Dahil ligtas ang UP sa censorship powers ng MTRCB, manood ka ng isang X-rated film sa Cine Adarna. Madali lamang ang hamon na ito dahil hindi masyadong mahaba ang pila sa Cine Adarna, hindi tulad ng pila sa loans at STFAP office sa Vinzons Hall na daig pa ang blockbuster screening ng pelikula sa dami ng aplikante.

21. Perfect pitch

Kahit sintunado, kabisaduhin mo ang opisyal na hymn ng mahal nating pamantasan, ang UP Naming Mahal. Isinulat ito ng tanyag na musikerong si Nicanor Abelardo at madalas kinakanta habang nakataas ang kamao. May sampung linya lamang ang UP Naming Mahal, kaya sisiw lang ito sa iyo.

22. ORGy

‘Wag masyadong subsob sa acads. Sumali sa isang organisasyon at tuklasin ang mga bagay na hindi matututunan sa loob ng silid-aralan. Sumali ka habang pwede pa at hindi pa ipinapasa ang Code of Student Conduct (CSC). Tahasang ipinagbabawal ng CSC ang pagsapi ng freshies sa kahit anong org, kaya tiyak na boring ang first year kapag naipasa ang CSC.

23. Watchmen

Hanapin ang watchtower ng Diliman Commune o ang limang-araw na pagbarikada ng mga estudyante bilang protesta sa pagtaas ng presyo ng langis noong 70s. Magtanong sa mga propesor na beterano ng First Quarter Storm (FQS) upang mahanap ang tower. Ang FQS ang makasaysayang serye ng mga malawakang demonstrasyong lumigalig sa diktaduryang Marcos na pinangunahan ng mga mag-aaral ng UP.

24. Walking in UP wonderland

Pumasyal at magvandal sa AyalaTechnohub sa Commonwealth. Isa ito sa dalawang Science and Technology (S&T) Parks sa UP diliman.  Pinauupahan diumano ng administrasyon ng UP sa mga kumpanya ang mga lupain nito upang makatulong sa S&T development ng unibersidad. Sa ngayon, nagtala na tayo ng high scores sa Timezone sa Technohub habang kumakamal naman ng maximum profits ang mga kumpanya na nagtayo ng call centers doon.

25. B(w)isita

Hanapin ang opisina ni 20th UP President Alfredo Pascual sa Quezon Hall at kumbinsihin siyang bawiin ang STFAP at i-rollback ang tuition para hindi ka magbayad ng P1,500 kada yunit. Hindi uubra ang solo flight dito, kaya hatakin na ang barkada, blockmates, at mga profs na sumama sa iyong krusada.

26. Prison break

Feel the thrill ng pagiging ex-con. Para sa mga rejected ang dorm application, pumuslit sa isang dormitoryo . Kung dormer naman, pumuslit palabas pagsapit ng curfew hours. Para sa killjoy, manghuli ng dormer o non-dormer na gagawa ng challenge at magsumbong sa dorm manager.

27. Fighting Maroons!

Manood ng UAAP at i-cheer ang Fighting Maroons ng U-ni-ber-sidad ng Pili-pi-nas ala Pep Squad. Madalas magchampion ang UP sa Judo, Football, Swimming at Cheerdance, kaya laging tayong pasok sa top 3sa overall ranking ng UAAP. Huli namang nagkampeon ang UP sa men’s basketball noong star player pa nito ang Tower of Power na si Benjie Paras.

28. State U(?)

Sa bisa ng Republic Act 9500 o UP Charter, ang batas na sumasaklaw sa operasyon ng pamantasan, tinawag na national university ang UP mula  sa pagiging premier state university. Basahin ang luma at bagong UP Charter at pag-aralan ang kaibahan ng dalawa, upang maintindihan ang tunay na kahulugan ng pagbabagong tawag sa UP.

29. Right to strike

Bunsod ng taunang pagkaltas sa badyet ng UP at ibang state universities and colleges, naglunsad ng pambansang strike ang mga estudyante noong nakaraang Nobyembre. Mahigit 3,000 estudyante ng UP Diliman ang lumahok at nagdaos ng programa sa harap ng AS. Maghanap ng mga litrato ng nakaraang strike, at iphotoshop ang larawan upang maisama ang sarili sa eksena.

30. Evening escapade

Pagpatak ng dilim, yayain ang jowa na maglaro sa Sunken Garden o Lagoon. Sa ilalim ng sagradong acacia, magtago mula sa mga SSB at guwardiya. Tuksuhin ang jowa na magbahay-bahayan. Bawat round, tiyaking nasa top ka at hindi sa bottom. Tandaan: bawal ang s_______ sa loob ng kampus, kaya wag basta-basta ipakita ang alas. Kung salbahe ang iyong jowa at dinadaya ka na, tumakbo tungong Heartbreak Hill at makipagbreak ka sa kanya.

31. Iskolar ng Bayan

Natapos mo ba ang listahan? Simula pa lang ito ng makulay mong buhay sa loob ng unibersidad. Subalit tandaang hindi nasusukat ang pagiging iskolar ng bayan sa dami ng isaw na natikman, dami ng uno sa CRS o sa bilang ng beses na nakaiskor ka sa Sunken Garden. Sa huli, ang tunay na iskolar ng bayan ay sinumang naglilingkod sa sambayanan.

P.S. May sarap matapos ang hirap. Para sa isko o iska na makakagawa ng isa sa challenge #21, #22, #23 #24, #21, #12 at #9, may premyong inihanda ang Kule para sa iyo. Pumunta lamang sa opisina ng Kulê at magpakita ng ebidensyang nagtagumpay ka nga. Isang tao lang ang mananalo kada numero, kaya bilisan mo para makapag-uwi ng limited edition Kulê shirt. ●

Source: PhilippineCollegian.org

  1. cinnamontwistixx reblogged this from unibersidadngpilipinas
  2. infineightandbeyond reblogged this from unibersidadngpilipinas
  3. maconnism reblogged this from unibersidadngpilipinas
  4. extremebeast reblogged this from unibersidadngpilipinas
  5. theseventhstreet reblogged this from unibersidadngpilipinas
  6. qfilart reblogged this from unibersidadngpilipinas
  7. blush-on reblogged this from unibersidadngpilipinas
  8. kathleenguiang reblogged this from unibersidadngpilipinas
  9. isaakongchem reblogged this from unibersidadngpilipinas
  10. isaisaisa reblogged this from unibersidadngpilipinas and added:
    freshie though HAHA
  11. camzy017 reblogged this from unibersidadngpilipinas
  12. imtheeviltwin reblogged this from unibersidadngpilipinas
  13. trixiedc reblogged this from unibersidadngpilipinas
  14. alexmonton reblogged this from unibersidadngpilipinas
  15. myherojaenin reblogged this from unibersidadngpilipinas
  16. ettegirb reblogged this from unibersidadngpilipinas
  17. sadiesmiles reblogged this from unibersidadngpilipinas
  18. keepingmyselfsane reblogged this from unibersidadngpilipinas
  19. krissylovestodream reblogged this from unibersidadngpilipinas